HINDI pinalampas ng showbiz insider at LGBTQIA+ member na si Ogie Diaz ang ginawa ng isang transgender sa isang waiter na tinawag ang huli na “sir” sa isang Cebu restaurant kamakailan.
Ani Ogie, nainsulto ang transgender na si Jude Bacalso dahil kahit naka-makeup at damit pambabae ay hindi pa rin ito mapagkakamalan na isang babae.
“Pinatayo mo for 2 hours yung waiter kasi nainsulto ka dahil tinawag kang “sir.” Yan ang lumalabas sa mga posts. Nainsulto ka kasi, nakaayos-babae ka, pero hindi mo na-achieve na tawagin kang ‘Ma’am’.”
Hirit ni Ogie, sana ay nagpakita si Bacalso ng pruweba na isa siyang babae.
“Ganun naman pala na babae ang tingin mo sa sarili mo, eh di sana, pinakitaan mo ng pruweba na magpapatunay na babae ka talaga bukod sa pagpapakita ng keps. Katulad kunwari ng birth certificate. Ipakita mo na FEMALE ang nakalagay sa gender mo doon para mas maintindihan ka ng waiter kung saan nanggagaling yung ngitngit mo,” aniya.
Tinawag din ni Ogie na “entitled” si Bacalso dahil tila ipinipilit nito sa iba ang kanyang kasarian.
“Nagdesisyon kang ibahin ang pagkatao mo, tapos ang gusto mo, mag-adjust lahat ang mga tao sa pagbabago mo ng anyo. Agad-agad? Di ba pwedeng dahan-dahan lang, Ateng? Tutal, ikaw naman ang nagdesisyong magbago ang takbo ng pagkatao mo? Entitled ka naman masyado, teh,” sambit ni Ogie.
Hindi rin nagustuhan ni Ogie ang ginawang “parusa” ni Bacalso sa waiter.
“Nag-sorry na nga yung waiter, di pa rin sapat at pinatayo mo pa talaga nang dalawang oras?” wika niya.
Kumbinsido naman si Ogie na hindi ikararangal ng kanilang komunidad ang asal ni Bacalso.
“Gusto mong maging proud ang LGBTQIA+ community sa yo, paano? Itsura mo lang ata nagbago, sana, idinamay mo na rin pati pagkatao mo para mabitbit mo kahit saan ka dumayo.
Gusto mo pairalin ang gender sensitivity ng mga tao sa LGBTQIA+ community, pero hindi ka naman sensitive sa nararamdaman ng ibang tao,” sabi niya.
Idinagdag niya na sana ay pinalagpas na ni Bacalso ang ginawa ng waiter nang humingi ito ng paumanhin sa kanya.
“Pag ang tao, nag-sorry na, patawarin mo na. Wag mo nang bini-big deal ang isang sitwasyon na ikaw mismo, kaya mong solusyunan, ayaw mo lang. Wag ka nang maging initials ng asawa ni Regine Velasquez.”