Niño Muhlach sa bashers: Kahit hindi mag-artista si Sandro kaya ko siyang buhayin

BINARAG ng dating child superstar na si Niño Muhlach ang mga bashers na inakusahang namemera lang ang anak niyang si Sandro kaya ginawan ng kuwento ang mga GMA-7 independent contractors na sina Jojo Nones at Dode Cruz.

“They can say whatever they want to say na kesyo gawa-gawa lang daw ni Sandro, kesyo pera lang daw ang habol ni Sandro. What’s the point? Bakit gagawin ng bata ‘yung ganoong kaso? Nagtatrabaho siya sa GMA, sa Sparkle. Kakalabanin niya? Eh ‘di mawawalan siya ng trabaho. What’s the point?” paliwanag niya.

“Tsaka sisirain niya ang pangalan ng Muhlach. There’s no point,” dagdag ni Niño.

“Kung pera naman, kahit hindi mag-artista si Sandro, kaya ko namang buhayin si Sandro. Sorry ha, hindi naman sa pagmamayabang.”

Sa kasalukuyan, inilahad ni Niño, unti-unti nang nakarerekober ang anak mula sa umano’y pang-aabuso nina Nones at Cruz.

“Noong una talaga… mainitin ang ulo niya, hindi siya makalabas, nakasarado ang lahat ng bintana sa kuwarto niya,” sabi ng aktor.

Salamat sa therapy at sa suporta ng girlfriend ay nakakalabas at nakakapanood na raw ng sine at concert ngayon si Sandro.

“Pero kapag ‘yung pinag-uusapan namin ‘yung kaso with the lawyers naaapektuhan pa rin siya,” dugtong ni Niño.