Neri Naig laya na

IPINAG-UTOS  ng Pasay City Regional Trial Court Branch 112 ang agarang pagpapalaya sa aktres na si Neri Naig, ayon sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Sinabi ni BJMP spokesperson Insp. Jayrex Joseph Bustinera na natanggap nila ang utos ngayong Miyerkules ng umaga.

Ani Bustinera, inaalam pa ng BJMP kung may kinahaharap pang ibang kaso at arrest warrant si Neri sa iba pang korte bago ito pakawalan.

“If cleared, we will process the release within the day, as soon as possible,” aniya.

Inilahad din ng opisyal na hindi naglagak ng piyansa ang kampo ng aktres na kinasuhan ng syndicated estafa, isang non-bailable offense, dahil ang pansamantalang paglaya ni Neri ay mula sa utos ng korte.

Hindi naman idinetalye ni Bustinera ang laman ng release order.

Bukod sa syndicated estafa, kinasuhan si Neri ng paglabag sa securities code.

Inaresto siya noong November 23 at ikinulong sa Pasay City Jail female dormitory.

Dinala naman siya sa ospital para sa isang “edical evaluation” noong November 29 at inaasahang makalalabas ngayong araw, December 4.