Neri Naig, 5 araw sa ospital para sa ‘medical evaluation’

MANANATILI nang limang araw sa ospital ang aktres at negosyanteng si Neri Naig para sa isang “medical evaluation,” ayon sa Bureau of Jail Management and Penology.

Biyernes ng gabi nang ilabas sa Pasay City Jail si Neri para dalhin sa hindi-binanggit na pagamutan.

Sinabi ni Supt. Jayrex Bustinera, tagapagsalita ng BJMP, ang pagpapa-checkup ni Neri ay alinsunod sa kautusan ng Pasay City Regional Trial Court branch 112 kasunod ng hiling ng abogado nito.

Sinabi ni Bustinera na wala namang isyu sa kalusugan si Neri nang dalhin ito sa pagamutan.

“None. Standard procedure ang health evaluation during the intake process in all BJMP facilities and there was no noted health issues during her intake. The recent hospitalization was the request of her lawyer,” wika ng opisyal.

Kaugnay nito, inihayag ng abogado ni Neri na si Atty. Aureli Sinsuat na hindi agad ipinaalam sa kanyang kliyente na mayroon itong kinahaharap na mga kasong paglabag sa Securities Regulation Code at syndicated estafa. 

“It is unfortunate that Neri was not informed of the charges against her beforehand, as we would have been able to properly explain her side even before this reached the courts,” ayon sa abogado isang kalatas.

Idinagdag niya na mayroong kaparehong kaso laban kay Neri ang naisampa rito pero lahat ay nabasura na.

“We are confident that Neri will be vindicated of these charges through proper judicial processes,” sambit pa ni Sinsuat.