Nanay ni Charice Pempengco hindi raw nagpatutsada kay Carlos Yulo

ITINANGGI ni Raquel Pempengco na si two-time Olympic gold medal Carlos Yulo ang pinatatamaan niya sa kanyang Facebook post ukol sa pagtanaw sa utang na loob.

Ayon sa ina ni singer Jake Zyrus, “content” at “pangkalahatan” ang nasabing post dahil napapanahon ang usapin ukol sa nasabing Pinoy trait.

Pero, dagdag niya, hindi na niya kasalanan kung may matamaan ang kanyang pahayag. Nitong Lunes, pinag-usapan ng publiko ang sinabi ni Pempengco na “walang magandang patutungahan ang buhay” ng anak kapag pinaiyak at itinakwil nito ang ina.

“Kahit gaano ka pa ka successful sa buhay kung hinde mo kaagapay ang magulang mo prang may kulay pa rin,” aniya.

“Yes di obligasyon ng anak ang magulang pero dahil Filipino tayo at kahit saan ka pang lupalop lumaki basta nanalaytay pa rin ang dugong Pinoy di mo matatakasan ang culture ng utang na loob,” dagdag ng ginang.

Pinunto pa niya na “ang asawa at jowa ay mapapalitan, iiwanan ka pero ang magulang anjan babalik balikan.”