Nakabuntis kay Angeline may dalawang anak sa ibang babae

INILARAWAN ng singer na si Angeline Quinto na gwapo at baby-faced ang nakabuntis sa kanya pero may dalawang anak na sa ibang babae.

Sa exclusive interview ni Boy Abunda, sinabi ni Angeline na buntis siya nang limang buwan at nakatakda siyang magsilang sa Abril.

Ayon sa singer, mahigit isang taon na silang magkeralasyon ng nakabuntis sa kanya na taga-Sampaloc, Maynila.

“Nagkakilala kami parang bago pa ang pandemic. Nakilala ko po siya dahil kaibigan siya ng boyfriend ng kaibigan ko sa Sampaloc, Manila. Nung nagkita kami isang beses, hanggang sa nagkaroon na kami ng communication, nagtuluy-tuloy,” ani Angeline.

Ayon sa kanya, matanda siya ng tatlong taon sa lalaki na aniya ay gwapo at mukhang bagets.

Inamin naman ng Kapamilya singer na dalawa na ang anak ng kanyang boyfriend pero hindi ito kasal.

“Sinabi naman niya sa akin ‘yung tungkol sa past niya–meron din siyang anak sa ibang babae. Hindi naman ako nagtanong kahit alam ko na. Hindi ako nagtanong, siya mismo,” sey ni Angeline.

Hindi naman niya pinangalanan ang boyfriend at hindi rin niya sinabi kung pakakasalan siya nito.

Aniya, ang prayoridad nila ngayon ng kasintahan ay mailuwal nang maayos at malusog ang kanilang baby.