Mura hirap gumalaw; pinabayaan ng pamilya

KAAWA-awa ang kalagayan ng dating komedyanteng si Mura na lalong bumagsak ang kalusugan makaraang masunugan.

Sa panayam ng vlogger na si Virgelyncares, inihayag ni Mura (Allan Padua sa totoong buhay) na pinabayaan na siya at ang ama ng kanilang mga kapamilya.

Makikita sa video na maliban sa hirap magsalita ay nahihirapan na ring makakilos ang dating komedyante.

Sa katunayan, habang kausap ni Virgelyn ay nadumi sa salawal si Mura nang subukin nitong tumayo.

Lumuluha namang sinumbatan ni Mura ang mga kapamilya at sinabing nawala ang mga ito nang maubos ang kanyang pera.

“Kapatid ko, pinabayaan na ako. Ganito na ‘yung sitwasyon ko. Kaming dalawa ni Papa, pinabayaan na,” aniya.

“Nung may pera ako, gano’n mabibilis silang kumilos. Eh ngayon, wala na akong pambayad sa kanila. Pinabayaan din kami,” dagdag ni Mura.

Hindi rin natapos ni Mura ang ipinatatayong bahay sa Brgy. Tupas sa Ligao City, Albay dahil sa kanyang pagkakasakit. 

Nito lamang Mayo ay nasunog ang nasabing bahay kaya pansamantalang tumuloy si Mura at ama sa isang waiting shed.