Mon Confiado aawra bilang Rey dela Cruz sa Pepsi Paloma biopic

INANUNSYO ng direktor na si Darryl Yap na ang batikang aktor na si Mon Confiado ang gaganap na Dr. Rey dela Cruz sa kanyang obra na “The Rapists of Pepsi Paloma.”

Si dela Cruz, ang namayapang optometrist at barangay chairman ng Quiapo, ang manager ni Pepsi sa simula ng career nito noong 1980 hanggang sa pagpapatiwakal noong 1985.

Binaril at napatay naman si Rey sa kanyang clinic sa Quiapo noong 1999.

“Philippines’ Top tier Chameleon Actor Mon Confiado transforms to Dr. Rey Dela Cruz, Pepsi Paloma’s Talent Manager,” ani Darryl sa caption ng kanyang Facebook post.

Bago ito, itinanggi ng direktor na vendetta ang motibo niya sa paggawa ng pelikula ukol sa buhay ni Pepsi.

Matatandaan na tatlong taon bago nagpatiwakal si Pepsi ay inakusahan niya ng panggagagasa sina Vic Sotto, Joey de Leon at Richie D’ Horsie.

“Wala akong personal o pulitikal na motibo, hindi kaaway ng mga Sotto ang producer ko,wala akong masamang tinapay sa TVJ,” paliwanag niya.

Dagdag niya, katotohanan lamang ang ilalabas ng nasabing movie.

“Pwede lang ako mapahamak sa paggawa ng pelikulang hango sa tunay na buhay— kung magsisinungaling ako,” punto ni Darryl.

“HINDI KO IPAPAHAMAK ANG SARILI KO. HINDI AKO MAGSISINUNGALING,” lahad pa niya.

“Hindi mahirap ikwento ang Katotohanan, lalo na kung kwento ito ng kababayan. Si Pepsi Paloma ay Taga-Olongapo, tulad ko. Responsibilidad kong ibandera ang kwento ng aking lungsod at mamamayan nito. MAGANDA MAN O MALAGIM.”