Misis ni Robi Domingo itinangging may taning ang buhay

NAKIKIUSAP sa publiko si Maiqui Pineda, asawa ng TV host na si Robi Domingo, na i-report ang Facebook page na nagkakalat ng maling balita ukol sa kanyang kalusugan.

Shinare ni Maiqui sa Instagram ang screen shot ng ulat ng Pinoy Spotlight page kung saan mababasa na ayon kay Robi ay may taning na ang kanyang buhay. 

“Sobrang sakit! Ilang buwan ko na lang siya makakasama,” quote pa ng FB page kay Robi.

“I don’t use Facebook so I don’t see posts like these but thanks to people for sharing to me. Probably why people would ask me if I’m ok,” pahayag ni Maiqui.

“I only share here since I’ve built a good relationship with a lot of people who follow and message me. You guys know me best,” dagdag niya.

Kaya ang apela niya sa mga tagasuporta: “If ever you have the time, please help me report this post for false information on health. Thank you!!”

Si Maiqui ay na-diagnose na may dermatomyositis, isang autoimmune disease na nagreresulta sa panghihina ng mga muscles, pamamaga at skin rash.