MAKARAANG magbabala ang dating child star na si Niño Muhlach sa dalawang TV executives na nang-abuso umano sa anak na si Sandro, ang asawa naman nitong si Diane Tupaz ang naglabas ng galit sa dalawa na tinawag niyang mga “baboy” at “demonyo.”
Sa social media post, sinabi ni Diane na pinalaki nila ng puno ng pagmamahal at aruga si Sandro hindi para “walanghiyain” lang ng mga tauhan ng network.
“Pinalaki at iningatan naming mabuti ang aming mga anak na puno ng pagmamahal at pag aaruga tapos wawalanghiyain lang ng mga kung sinong tao na nilamon ng kademonyohan sa katawan para magawa yung ganung klaseng kababuyan!” aniya.
Dagdag ni Diane na lalaban sila kahit pa ang higanteng TV network ang kanilang katunggali.
“Hindi kami makakapayag na hindi namin makakamit ang hustisya! habang buhay na dadalhin ng anak namin yung kababuyan na ginawa nyo sa kanya! wala kaming pakialam kung sino kayo o kung sino ang poprotekta sa inyo!” wika niya.
Bago ito, naglabas si Niño ng isang cryptic post kaugnay sa sinapit ng anak.
“Inumpisahan nyo, tatapusin ko,” sabi niya.
Matatandaan na bago pinangalanan ang mga sangkot sa eskandalo, kumalat ang blind item ukol sa isang baguhang aktor na ginawan ng kahalayan ng dalawang TV executives matapos ang GMA Gala 2024.
Ayon sa ulat, nagmamakaawa ang aktor pero wala itong nagawa nang gamitan ito ng droga ng dalawa, na kapwa miyembro ng LGBTQIA+ community.
Agad namang naglabas ng statement ang GMA 7 ukol sa isyu kung saan itinanggi nito na mga empleyado nila ang dalawang sangkot.
“Online articles and posts have recently circulated regarding an alleged incident involving an artist and independent contractors of GMA Network.
“We have yet to receive a formal complaint from those allegedly involved in the issue. Should one be filed, the Network is committed to conducting a thorough and impartial investigation.
“We assure the public that GMA Network takes such matters with utmost seriousness,” sabi ng network.
Kaugnay nito, iginiit ni Ogie Diaz sa pamamagitan ng isang cryptic post na totoong nagtagumpay ang dalawang writer sa kanilang masamang balak kay Sandro.
“Anong muntik? May nangyari talaga. Believe me…Wag na pagtakpan… Dapat ipaglaban at makuha ang hustisya para sa inabuso,” aniya.
Sa hiwalay na post, sinabi ni Ogie na kasalukuyang dumaranas ng depresyon ang aktor.
“Ang ending: may depression, panic attack, anxiety, ptsd ang biktima. Kaya madalas mag-breakdown,” pagsisiwalat niya.