Matapos mamatayan ng apo, Mystica nagluluksa naman sa pagpanaw ng anak

ILANG buwan makaraang sumakabilang-buhay ang apo, nasawi naman ang nag-iisang anak ni Mystica.

Ayon sa novelty singer, namatay ang unico hijo niyang si Stanley Villanueva dahil sa cardiomyopathy o enlargement of the heart, liver cirrhosis, at pneumonia.

Grabe, ani Mystica, ang nararamdaman niyang sakit dahil namayapa ang anak habang nasa Las Vegas, Nevada siya.

“Sobrang sakit anak,” pahayag niya. “You were not perfect, but you will always serve as my greatest inspiration, my son!”

“Those flowers will represent my presence kahit malayo ako sa ’yong burol anak! I’m sure your spirit can see and feel my sorrows and pain of losing you!” sabi naman niya patungkol sa bulaklak na ipinadala kay Stanley.

Idinagdag ng singer na hindi sigurado kung makakauwi siya sa Pilipinas para sa libing ng anak. Gayunman, nangako siya na bibigyan niya ito ng maayos na libing at tutustusan ang pangangailangan ng pamilya ng anak.

Nanghingi naman si Mystica ng abuloy para sa naulila ni Stanley.

“If you have a little money to spare and support for my son’s burial and funeral expenses in the Philippines, please send it to: Ruby Rose Villanueva Zelle number 702-7887948 or send it to my sister’s Gcash: Ma. Presentacion M. Villanueva Gcash # 63-9952370196 Your help will be highly appreciated! Thank you!” sey niya.

Nitong Oktubre lang ay sumakabilang-buhay ang anak ni Stanley na si Ronby Gangriel.