Maraming salamat at kinikilala n’yo ako… isang baklang performer — Vice Ganda

AGAW-eksena ang speech ni Vice Ganda nang gawaran ng Special Jury Prize ng Metro Manila Film Festival 2024 ang kanyang performance para sa pelikulang “And The Breadwinner Is…”

Sa gitna ng pagpasasalamat sa mga tao at grupo na nasa likod ng pelikula ay inamin ni Vice na nagtataka siya kung para saan ang nasabing award.

“My god hahabaan ko na! Dahil baka ibig sabihin ng award na ito hindi ako magbe-best actor!” aniya.

“Baka ito yung mga award sa mga first runner-up. Yung baka, ‘Sayang naman ang outfit. Paakyatin na natin, sikat naman siya. For star value moment’,” dugtong niya.

Sumingit naman ang nag-present ng award na si Dennis Trillo at klinaro na iyon ay para sa kanyang natatanging pagganap.

Dito ay agad nagpasalamat si Vice dahil ito ang unang pagkakataon na nanalo siya ng award sa MMFF.

Dinedicate niya ang tropeo sa direktor na si Jun Lana, kay Eugene Domingo, na aniya ay deserving na manalo o kahit ma-nominate bilang Best Supporting Actress, at sa iba pang kasama sa cast na sina Maris Racal, Gladys Reyes at Malou Guzman.

“Di ko alam kung ano sasabihin ko. Gusto kong i-share ito sa nanay ko. Nanay, mabigat na mabigat. Meron ka nanaman idi-display, pupunasan at ipagmamalaki sa mga kasama mo sa simbahan habang pinagrorosaryo niyo ako. At inaalay ko ito sa aking asawa na si Ion Perez. Siya ang pinakamasaya rito,” sabi niya.

“Maraming salamat Metro Manila Film Festival at kinikilala n’yo ako at ang kakayahan ko– isang baklang performer,” dugtong pa ng “It’s Showtime host.