‘MAMASAPANO’ ACTORS INIREKLAMO NG SAF

SINAMPAHAN ng reklamong illegal use of uniform at insigna ng Special Action Force (SAF) ang mga aktor na sina Paolo Gumabao at Rico Barrera, dalawa sa mga bida ng pelikulang “Mamasapano: Now It Can Be Told.”

Ito ang isiniwalat ni Atty. Ferdie Topacio, ang producer ng pelikula na tumatalakay sa sinapit ng Oplan Exodus ng SAF noong Enero 25, 2015 sa Mamasapano, Maguindanao, sa panayam ng entertainment site na pep.ph.

Ani Topacio sa pep.ph, nagulat siya nang kasuhan sina Gumabao at Barrera gayung aprubado ng dating SAF chief na si Gen. Amando Clifton Empiso ang paggamit nila uniporme at insigna.

Reklamo niya: “Yung film namin ay para i-glorify ‘yung kabayanihan ng SAF, dinemanda kami…Ang mga taong ito ay nagsakripisyo sa initan, sa maisan, para ipakita ang kabayanihan ng SAF, idedemanda n’yo?”

Nahihiya rin siya kina Gumabao at Barrera dahil naabala sa pagsagot sa reklamo.

“Hindi sila natutuwa. Anyway, I’m protecting them, I gave them lawyers,” aniya. “Kita n’yo, ha, additional abala pa. Pinapunta pa nila si Paolo dun sa piskalya, e bising-busy ‘yung tao, di ba?”

Ayon kay Topacio, nasa piskalya pa ang kaso.

Kumbinsido naman ang abogado na maipalalabas sa mga susunod na buwan ang nasabing pelikula.