Lyca Gairanod mas pinili ang buhay sa baryo kesa subdivision

INIWAN na ng singer na si Lyca Gairanod ang kanyang bahay sa subdivision sa General Trias, Cavite at bumalik sa kinagisnan na fishing community sa Tanza.


Ayon kay Lyca, ipinagbili niya ang bahay at lupa na napanalunan niya sa “The Voice Kids” noong 2014 dahil hindi sanay ang kanyang lola sa lugar na tahimik.


Sa panayam ni Karen Davila, sinabi ni Lyca na bumili siya ng bahay sa Tanza para mapalapit sa kanyang lola.


“Kasi ‘yung lola ko, ayaw umalis po doon sa bahay namin (sa General Trias), gusto po niya talaga doon (Tanza),” aniya.


Idinagdag niya na mas gusto rin niya ang buhay sa Tanza kung saan nakatira ang kanyang mga kamag-anak.


“Gusto ko lang po talaga ‘yung ganitong life, parang masaya po. Parang ayoko po ng tahimik, ‘yung wala akong naririnig na ingay,” aniya sa panayam.


Klinaro niya na importante ang bahay niya sa Tierra Nevada Subdivision pero mas mahalaga ang kanyang lola. –A. Mae Rodriguez