AYON sa GMA-7, hindi umubra ang bato ni “Darna” sa pangil ni “Lolong” kung ratings ang pagbabasehan.
Base sa National Urban TV Audience Measurement ng Nielsen Ratings sa overnight ratings para sa August 15, nakakuha ng 17.3 percent ang “Lolong” kumpara sa 10.5 percent ng pilot episode ng “Mars Ravelo’s Darna” ng Kapamilya network.
Sa kabilang banda, ibinida ng ABS-CBN na inilampaso ng “Darna” ang GMA teleserye sa dami ng nanood sa YouTube at Facebook.
Umabot sa higit 282,000 ang peak viewers ng “Darna” noong August 15 kumpara sa 15,000 ng “Lolong.”
Idinagdag ng Kapamilya network na base sa survey ng Kantar Media Total Homes, naungusan ng pilot episode ng “Darna” ng Jane de Leon ang “Lolong” ni Ruru Madrid.
Ayon dito, nakakuha ang “Darna” ng 19.4 percent, 23 percent, 21.9 percent at 22.2 percent sa Mega Manila, Metro Manila, Total Visayas at Rural Visayas kumpara sa 18.8 percent, 21.3 percent, 20.3 percent at 18.9 percent ng “Lolong.”