Lolit Solis awang-awa kay Mark Herras

NAAWA ang talent manager at showbiz columnist na si Lolit Solis sa ginawang pagsayaw sa gay bar ng dating alaga na si Mark Herras.

“Syempre naawa. Imagine mo, ‘yung status niya, para sa ganoon, parang hindi ko naman sa inaano ‘yung mga nagpe-perform sa mga gay bar,” ani Lolit sa isang panayam.

“Lahat  naman may karapatan at kung minsan trabaho lang naman, kaya lang sana iniisip man lang niya na meron siyang pinoproteksiyunan na career. Kung may career pa, ‘di ba?” dagdag niya.

Ayon kay Lolit, dapat inisip muna ni Mark kung makatutulong din sa kanyang pamilya ang ginawang pagpe-perform sa bar.

“Huwag na nga ‘yung anak. Lagi naman natin ginagawang panangga ‘yung mga anak, parang sila lagi ang dahilan. Ikaw mismo sa sarili mo, dapat ba mag-perform na sa ganoon? ‘Di ba parang ganoon?” chika niya.

Dugtong ni Lolit: “Ikaw mismo, tanong mo sa sarili mo, tama ba na at this point, mag-perform ka na sa ganoon? ‘Di ba? Parang, parang lowest ano na ‘yun na gagawin mo para sa trabaho.”

Matatandaan na nag-show si Mark sa Apollo Male Entertainment Bar noong isang linggo. Nakatakda uli siyang mag-show roon sa January 31.