Lolit sa artistang supporters ng natalong kandidato: Wala kayong naitulong

IPINAMUKHA ng veteran showbiz columnist at talent manager na si Lolit Solis sa mga artistang tagasuporta ng isang natalong kandidato ang tagumpay ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa Instagram, sinabi ni Lolit na natalo ang hindi niya pinangalan na kandidato dahil sa kayabangan ng mga artistang supporters nito.

“Gusto kong makita ngayon ang mga stars na ubod ng yabang sumuporta sa kanilang mga kandidato. Gusto ko na makita paano nila tatanggapin na wala pala silang naitulong para manalo ang ini endorse nila,” aniya.

“Para bang isa pa sila sa naging minus factor dahil nga ikinainis ng tao ang yabang ng dating nila,” dagdag niya.

Naniniwala rin si Lolit na hindi epektibo ang pangangampanya ng mga artista.

“Puwede na pinapanuod kayo sa rally, sinusundan ng mga tao, pero hindi nakikinig sa mga sinasabi ninyo,” aniya.

Payo naman niya sa mga nasabing artista: “Maging aral sana ito sa mga artista na bigyan ng dividing line ang role nila as showbiz at pagsali sa pulitika. Saka huwag masyadong righteous ang dating, masakit sa tainga, kainis. Puwede suporta, pero huwag OA.”