Lolit kay Kris: Tahimik ka muna

PINAYUHAN ni Lolit Solis si Kris Aquino na manahimik muna at unahin ang pagpapagaling.

Sa kanyang Instagram page, sinabi ng veteran show biz writer at talent manager na huwag nang sagutin ang mga intriga na kinahaharap niya.

“Ewan ko naman bakit may mga bashing pa ring natatanggap si Kris Aquino. Sa kalagayan niya ngayon na nasa ibang bansa na nga para magpagamot dapat siguro sa kanya medyo tahimik na lang para malayo sa intriga,” sabi ni Lolit.

Aniya, hindi makabubuti sa kalusugan ng Queen of All Media ang stress na dulot ng intriga.

“Lalo na nga ngayon na meron siyang sakit, at nasa gitna ng political change kaya madalas mabanggit ang pangalan Aquino. Mas mabuti para kay Kris Aquino ang tahimik lang para hindi madamay sa usapan ang kanyang pangalan,” dagdag ni Lolit.

“Harapin niya muna ang pagpapagaling at saka na niya sagutin mga intriga. Hindi puwede sa sitwasyon niya ang ma stress o magkaruon ng anxiety,” paliwanag niya.

Huling mensahe ni Lolit kay Kris: “Pagaling ka, stay safe. Marami parin nagmamahal sa iyo. Just relax.”