PUMALO sa 11 milyon ang likes at lumagpas sa 650,000 ang views ng unang live-selling ng Kapamilya actor na si Coco Martin para sa kanyang brand ng dishwashing soap.
Todo-pasalamat si Coco dahil kahit sa pagla-live selling ay hindi siya binitawan ng kanyang fans.
“Ang sarap na nandiyan sila nang nagsimula ako hanggang sa ngayon sa bagong journey ng buhay ko kaya sobra nagpapasalamat ako,” pahayag ni Coco.
Inamin ng bida sa “FPJ’s Batang Quiapo” na ninerbyos siya sa unang pagsalang sa live selling.
“Nakakanerbiyos kasi ibang mundo. Ito kasi live and di ka umaarte. Lahat ng nasa isip mo, thoughts mo, nasa puso mo ‘yun ‘yung lalabas. Totoong tao makikita sa iyo,” aniya.
Napalitan naman ng saya ang kaba ni Coco dahil libo-libo ang gustong mag-reseller at bumili ng produkto niya na “Bida”.
“Lahat gusto ko gawin para mas maparating ito sa mga Pilipino. Ito ‘yung first step. Hopefully there will be more products. Dito at least alam na namin gagawin,” dagdag niya.