INANUNSYO ng abogado ni TV host-actor Vic Sotto na inaprubahan ng korte ang hiling nila na Writ of Habeas Data para ihinto ng direktor na si Darryl Yap ang pagpo-post ukol sa pelikulang “The Rapists of Pepsi Paloma.”
“In the meantime po, the writ was issued so ibig sabihin po ‘yung hinihiling namin sa writ granted. Ititigil po muna lahat ng mga postings etc., in the mean time pinapasagot siya [Yap] doon sa aming reklamo,” ani Atty. Buko dela Cruz.
Ang writ of habeas data ay isang legal remedy na naglalayong protektahan ang karapatan ng isang tao sa pribadong impormasyon, lalo na kung tungkol sa kanilang personal na datos. Karaniwan itong ginagamit upang pilitin ang isang indibidwal o ahensya ng gobyerno o pribadong organisasyon na ihayag, itama, o burahin ang datos tungkol sa isang tao na hindi tama, hindi naaangkop, o nakuha nang labag sa batas.
Kadalasang inihahain ang writ na ito kapag nararamdaman ng isang tao na ang kanilang personal na impormasyon ay inaabuso o ang kanilang pribadong buhay ay nalalabag. Layunin nito na bigyan sila ng karapatang alamin at hamunin ang maling paggamit ng kanilang personal na datos.
Bago ito ay sinampahan ni Sotto si Yap ng 19 counts ng kasong cyber libel at P35 milyon damage suit makaraang banggitin ang pangalan niya sa trailer ng nasabing pelikula.