OPISYAL na ang pagiging kandidato ng TV personality at mister ni Unkabogable Star Vice Ganda na si Ion Perez bilang konsehal ng Concepcion, Tarlac.
Kahapon, Oktubre 1, isa si Ion sa mga naghain ng certificate of candidacy (COC) para tumakbo sa nasabing posisyon sa 2025 midterm elections.
Tumatakbo si Ion sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition, ang partido ni Tarlac Governor Susan Yap.
Kaugnay nito, lumutang ang lumang panayam kay Vice ukol sa mga pagkumbinse sa kanya ng ilang sektor na tumakbo sa halalan.
Ani Vice, wala siyang planong pumasok sa politika.
“Siyempre I cannot sabihin never, baka lamunin. Hindi ko alam, pero sa ngayon, no,” sey niya.
“Pwede akong manalo, feeling ko pwede akong manalo kasi marami akong followers, marami akong fans, baka maraming bumoto sa akin, maraming natutuwa sa akin. Pero ako, sa sarili ko, ngayon, hindi ako magaling doon. So, bakit ako pupunta doon? Ano, ipapahamak ko ang Pilipinas? Not because you can win, you will run,” giit ng TV host-comedian.