Kiko Pangilinan tutulong kay Neri Naig

DINEPENSAHAN ni dating Sen. Kiko Pangilinan si Neri Naig, na ngayon ay nakakulong dahil sa patong-patong na kasong estafa at paglabag sa regulasyon ng Securities and Exchange Commission, at tahasang sinabing inosente ang actress-businesswoman.

Inihayag din ni Pangilinan na kilala niyang personal si Neri, na aniya ay ilang beses na ring nabiktima ng mga manggagantso.

“Narito kami handang tumulong, Chito. Ang product endorser ay isang talent at kung walang koneksyon o kinalaman sa ownership or management at operations nung kumpanya na involved sa iligal na operations ay hindi dapat managot sa nasabing iligal na gawain,” aniya.

“Ako mismo ay saksi sa kabaitan ni Neri. Nabiktima din si Neri ng mga estafador at ang dapat habulin dito ay ang may ari at nagpapatakbo ng kumpanya,” sabi pa niya.

Dugtong pa ng dating senador: “Dahil walang natanggap na anumang mga notice sina Chito at Neri sa kaso, kwestyonable ang ligalidad ng warrant of arrest na dapat kwestyunin sa Hukuman.”

“Nawa’y ma dismiss na ang kasong ito outright o di kaya maibalik sa piskalya for preliminary investigation at in the meantime ay maquash o ma set aside yung arrest warrant.”