PINAYUHAN ng veteran movie writer at host na si Cristy Fermin si Ken Chan na maghain ng petition for bail kaugnay sa bago umanong warrant of arrest na lumabas laban sa Kapuso actor.
Ayon kay Cristy, “no bail” ang bagong kaso ng syndicated estafa na isinampa laban kay Ken.
Ito ang ikalawang warrant of arrest na inilabas laban kay Ken, kapatid niyang Mark Clinton at ilan pang personalidad.
“Kalat na kalat na ‘yung kanyang warrant of arrest sa lahat ng himpilan ng pulis at ang Immigration ay may kopya na rin at kung sakali na babalik dito (sa Pilipinas) si Ken Chan ay doon pa lang sa paliparan o sa airport pa lang ay may huhuli na sa kanya, nakakalungkot,” ani Cristy.
“Nu’ng unang ibinalita natin ayon sa kuwento ay nasa Amerika siya pero ngayon ay nasa isang bansa na lang siya ng South East Asia at ayon sa ating source ay pagkapayat-payat na raw ni Ken Chan,” dagdag niya.
Kaya ang panawagan ni Cristy kay Ken: bumalik na ng Pilipinas at harapin ang kaso.
“Kailangang bumalik muna siya rito at magpakita muna siya sa branch na may hawak ng kaso para masabing may jurisdiction ang korte sa kanya. Tapos alam naman ng mga abogado niya ang gagawin, petition for bail kasi no bail ito,” pahayag niya.
“Kapag pinagbigyan ng judge puwede niya itong ipiyansa at saka niya asikasuhin ang problema mula roon ay makakausap na niya ang mga investors, mga complainants,” dagdag ni Cristy.
Nag-ugat ang kaso mula sa isang “investment” kung saan mga incorporators umano si Ken at ilang miyembro ng kanyang pamilya.
Bukas ang PUBLIKO sa panig ni Ken.