NAGTATAKA ang aktor na si Keempee de Leon sa motibo ng direktor na si Darryl Yap sa paggawa nito ng pelikula base sa buhay ng namayapang aktres na si Pepsi Paloma.
Giit ni Keempee, ilang dekada na ang nakararaan mula nang nalinis ang pangalan ng kanyang ama na si Joey de Leon at nina Vic Sotto at Richie D’Horsie sa kasong rape na isinampa ni Pepsi.
“Ano ba naman itong nangyayaring ito? Parang bubuhayin na naman nila ang isyu dati, na tapos na ‘yon, e wala namang ebidensiya,” aniya sa isang panayam.
Nagpahiwatig si Keempee na tila may konek sa politika ang desisyon ni Yap na gawin ang nasabing pelikula.
“Noong una kong narinig `yan, sabi ko, bakit ba kailangang gawin ito? Dahil ba eleksyon?Dahil ba kay Tito Sen (Tito Sotto), na tatakbo? Kumbaga, nananahimik na pare-pareho, bakit kailangang buhayin pa ang mga ganitong tapos na?” sambit niya.
“Kumbaga, patay na, bubuhayin mo pa? Hayaan na natin sa hukay `yon,” dugtong pa ni Keempee.
Gayunman, klinaro ng anak ni Joey na wala siya sa posisyon na magsalita ukol sa pangyayari na naganap mahigit apat na dekada na ang nakararaan.
“Honestly ako wala naman akong alam diyan. Hindi ko naman alam ang puno’t dulo ng mga nangyari sa ganyan…Ako I’d rather stay quiet, kasi mahirap kasi. I mean, you know…” wika niya.