IBINALITA ni Atty. Vince Tañada na naging “people’s project” ang “Katips” dahil sa dami ng nagbibigay ng tulong para sa pagpapalabas ng nasabing pelikula sa ibang bansa.
Sa isang panayam, inihayag ni Tañada na nakatanggap sila ng P300,000 mula sa mga nakapanood ng pelikula sa La Union.
“Nakakagulat ‘yung sa La Union dahil ‘yun ay Solid North nga, sabi nila. Pero napakaganda ng pagtanggap sa amin ng mga taga-La Union,” sabi ni Tañada.
Aniya, matapos ang screening ay inabutan sila ng mga miyembro ng Doctors for Leni ng tseke.
“Hindi namin alam kung bakit nagbibigay ng mga tseke sa akin. Sinabi nila they want to contribute something para sa world tour, kung meron daw kaming pocket money na. E, di kami naman, siyempre tuwang-tuwa kami na inaabutan kami ng mga tseke,” sabi niya.
“Mga tao na nagko-contribute. Para lang, ‘Meron na po ba kayong pamasahe pagpunta sa ibang bansa?’ So, ‘yung mga tao mismo ang nagpi-pledge para kami makarating sa iba’t ibang bansa,” pahayag pa ni Tañada.