ISA ang actress-host na si Karla Estrada sa mga natuwa sa tagumpay ng pelikulang “Hello, Love, Again” nina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Si Kathryn ang ex-girlfriend ng anak ni Karla na si Daniel Padilla.
“Of course lahat tayo masaya. Lagi naman nating sinasabi ‘yan. Matagal na tayong magkakasama sa industriya kaya dapat naghihilahan tayo pataas,” pahayag ni Karla.
“Congratulations! I’m very happy. I’m very proud of Kathryn and Alden,” mensahe niya sa mga bida ng “HLA,” ang kauna-unahang pelikulang Pinoy na kumita ng P1 bilyon.
Sinabi ni Karla na hindi pa niya nababati nang personal si Kathryn pero iko-congratulate niya ito kung sakaling makita niya ang aktres.
Samantala, sinabi ni Karla na masaya rin siya at mapapanood na muli isang teleserye si Daniel.
“Actually, hindi lang ako ang natuwa, lalo na si Daniel. Kasi naging handa siya at matagal na nating pinaghahandaan ang isang aksyon na palabas. ‘Yan talaga actually ‘yung hindi pa niya nagagawa. Nagawa na niya drama, comedy. Eto kasi all-out action,” chika niya.
“Happy siya with Richard Gutierrez, Ian Veneracion and, of course, Baron Geisler. Marami siyang natututunan e,” lahad pa ng aktres.
Isinapubliko rin niya na matapos ang breakup kay Kathryn ay naging sobrang busy si Daniel.
“Hindi naman mapakali ‘yan sa buhay niya. Ang dami niyang negosyo na binuksan and then workshop. Hindi naglubay para pag dumating ‘yung mga ganitong pagkakataon, ready ka. So, ready siya,” sambit ni Karla.