NAHOLDAP ang Kapuso actress na si Elijah Alejo habang papasok sa eskwelahan nitong umaga ng Huwebes, November 28.
Sa TikTok video, inilahad ni Elijah ang trauma na dinulot sa kanya ng insidente.
Base sa kuwento ng dalaga, naganap ang panghoholdap pagkababa niya sa sinakyang motor taxi malapit sa kanilang paaralan.
“Naholdap ako kaninang madaling araw. 5:30 a.m. ang call time namin sa campus since may tree planting kami ngayon,” aniya.
“Supposedly, pagkarating namin doon sa campus doon ako magpapababa sa loob. Pero nagpapadagdag si kuya rider (ng bayad) kaya hindi na ako pumayag,” dagdag niya.
Habang naglalakad sa sidewalk papasok ng gate ay bigla na lang daw siyang tinutukan ng matulis na bagay ng suspek.
“Biglang may tumutok sa tagiliran ko and it’s something matulis. Sinabihan ako na ibigay ko ‘yung wallet ko,” sabi niya.
Dugtong aktres: “Binigay ko na lang ‘yung wallet ko. Thank, God, I’m safe. Ang problem lang is walang CCTV sa area.”
Ani Elijah, parang huminto ang mundo niya dahil sa takot.
“It was pa-simple. At that time, nag-freeze ‘yung utak ko. Lahat ng alam kong self-defense, lahat as in, nawala. Biglang naglaho na parang bula. As in, natakot ako,” paliwanag niya.
Pinaalalahan naman ng aktres ang publiko na maging mapagmatyag sa paligid.
“To everyone na naglalakad or kaya nagko-commute, stay safe everyone,” sabi niya.