MARUBDOB ang ginagawang pagdarasal ng mga kapamilya at kaibigan ng aktres at negosyanteng si Neri Naig para makalaya ito bago ang Pasko.
Nakapagpiyansa na si Neri para sa 14 na counts ng kasong paglabag sa securities regulation code pero hindi pa ito makakalaya dahil sa kasong syndicated estafa na non-bailable.
Nakatakda ang pagbasa ng sakdal sa “wais na misis” ni Parokya nj Edgar frontman Chito Miranda sa January 9, 2025.
Dahil dito ay inaasahan na himas-rehas si Neri sa Pasko at Bagong Taon.
Hinihikayat ng kampo ng aktres ang publiko na ipagdasal ito para magkaroon ng himala at maaga itong makalaya nang makasama ang asawa at mga anak sa parating na holidays.
Nitong weekend ay nagpahayag ng pasasalamat ang abogado ni Neri sa mga nananalangin para sa kanyang kliyente.
“We are confident that Neri will be vindicated of these charges through proper judicial processes. We appreciate the heartfelt support that Neri has received from numerous individuals in the press and on social media,” wika ni Atty. Aureli Sinsuat.