UMALMA si Juliana Parizcova Segovia sa blind item ni Vice Ganda kaugnay sa isang kakilala nito na pumatol sa pagiging troll dahil sa kahirapan ng buhay.
Walang binanggit na pangalan si Vice nang ikuwento sa noontime show niyang “Its Showtime” ang ukol sa troll.
Sa screenshot ng usapan nila ng direktor na si Darryl Yap, sinabi ni Juliana na nagtataka siya sa mga sinabi ni Vice sa national TV.
“Iniisip ko hanggang ngayon, ni isang beses wala sa kanya (Vice) o sa mga kadikit niya ang hiningan ko ng GCash kahit singkong duling. Nung wala akong pera at trabaho nag-online ukay-ukay ako sa Facebook live pero never ako nanghingi sa kanya o sa kanila,” ani Juliana sa convo nila ni Yap.
“Never ako nanghingi sa kanya. Kahit minsan sinasabi sakin ng mga bkla na lumapit ako sa knya never ko ginawa. Unang una nahihiya ako dahil alam ko hnd nman kmi ganon kaclose kaya bat ako hihingi,” dagdag niya.
Pinayuhan na lang ni Yap si Juliana na dedmahin nito si Vice.
“Iniisip niya na kalaban ka niya. You are the size of your enemy. Giginhawa rin ang buhay mo at ang naramdaman mong pangmamaliit ngayon ay ang pinakamalaking paalala sayo na hindi ka hihinto hanggang maging matagumpay ka. Lahat ng sinabi niya ay repleksyon niya. Nandito lang kami ni Ro at Senator (Imee Marcos),” dagdag ni Yap.
Kapwa supporters ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos sina Juliana at Yap.
Sa episode ng “It’s Showtime,” ikinuwento ni Vice na mayroon siyang kakilala na troll.
“Sa totoong buhay, hindi naman siya toxic talaga pero basher siya sa social media. Tapos nalaman ko troll siya. Trabaho kasi wala siyang pera e. Ginawa niya ‘yun, kumapit siya doon kahit mali kasi kailangan niya ng pera dahil naghihirap siya,” ani Vice.
“Masakit man pero yung ang epekto sa kanya ng kahirapan. Kinailangan niyang gawin. Hindi man katanggap-tanggap pero wala siyang choice,” dagdag ni Vice na pinayuhan umano ang mga kaibigan na huwag na lang patulan ang troll.
“Mabait naman ‘yan e, pero ngayon magugulat ka na lang talaga. Yung mga post niya, tapos nalaman naming troll pala siya,” sey pa ni Vice na isang supporter ni Vice President Leni Robredo.
“Umabot na siya sa ganoon samantalang dati, sabi ko, kapag walang pera ‘yun, super pa-GCash. Nagpapa-GCash sa mga bakla na, ‘Teh, pa-send naman kasi wala talaga,’ tapos umabot na siya…” hirit pa ni Vice.
“E, ngayon, siyempre siguro lahat napa-GCash na niya, kumapit na sa pagiging troll, at marami pong ganyan, ha?” aniya pa.