PINUNA ng komedyante at Marcos supporter na si Juliana Parizcova Segovia ang paghakot ng mga awards sa 70th Famas ng “Katips,” isang pelikulang tumatalakay sa martial law noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa magkasunod na Facebook post, nagpahiwatig si Juliana na kuwestiyunable ang panalo ng nasabing pelikula.
“Babatiin ko na sana yung humakot daw ng awards sa FAMAS at pelikulang pa-victim na kunwari tinatapangan para itapat sa Maid in Malacañang, kaso andaming resibo. Sige na nga… Congrats Haahahaha!” unang post ni Juliana.
Isa sa mga sinasabing “resibo” ni Juliana ang mga screenshot ng closing credits ng 69th FAMAS noong February 2021 kung saan makikita na si Vince Tanada ang director ng awards show.
Si Tanada ang bida, producer at direktor ng “Katips.”
Matapos ito ay muling nag-post si Juliana at kinuwestiyon naman ang panalo ni Johnrey Rivas bilang Best Supporting Actor laban kay John Arcilla na mayroong dalawang nominasyon para sa mga pelikulang “A Hard Day” at “Big Night.”
“So ayun na nga, tinalo nu’ng taga#Katsip si John Arcilla??? Para lang makasabay kayo sa Maid in Malacanang, mangga*ago kayo ng tao. Jusko!” ani Juliana.
Maliban sa Best Supporting Actor, wagi rin ang “Katips” ng anim pang awards: Best Picture, Best Director (Vince Tañada), Best Actor (Vince Tañada), Best Original Song (“Sa Gitna ng Gulo”), Best Musical Score (Pipo Cifra), at Best Cinematography.