Jolina, Marvin balik-tambalan

ISINAPUBLIKO ng singer-actress na si Jolina Magdangal na malaki ang posibilidad na matuloy na reunion movie nila ni Marvin Agustin.

Ani Jolens, katatapos lang nilang makipag-meeting sa team ng Project 8 ng mga direktor na sina Antoinette Jadaone at Dan Villegas at pinaplantsa na ang script.

Sinabi ng Kapamilya star, ito na ang comeback project na pinakahihintay ng mga fans ng 90s love team.

“Sana ito na. Ang hirap din magbitaw ng kung anuman. Ang nangyayari ngayon kasi kahit kami kinakapa din namin,” ani Jolens sa isang panayam.

“Sa amin ni Marvin, dream project namin ito. ‘Yung dream project mo, pababayaan mo ba? Tinitignan maigi, sinusuri ng isa’t isa,” dagdag niya.

“Always ako praying na ito na ito. Kung ibigay, I guess ito na talaga. Hoping kami talaga, nag-uusap kami lagi ni Marvin, sana ito na talaga,” sambit pa ng isa sa mga bida sa “Lavender Fields.”