SA sobrang pagkadismaya sa presyo ng mga bilihin ay napamura ang aktor na si John Arcilla.
Sa kanyang Facebook post, kinuwestiyon ni John ang mga namumuno sa bansa dahil tila hindi na nagbago ang kondisyon ng pamumuhay ng mga Pinoy.
“Hindi ako nagyayabang na mas mataas ang kita ko sa average na wage earner at sa mas maraming Pilipino. Pero punyeta ang taas na ng bilihin ngayon ng basic [commodity] sa palengke,” aniya.
Dagdag ni John, kung noong mga nakaraang taon ay P4,000 lang ang budget niyang pamalengke kada linggo, ngayon ay nasa P10,000 na ito.
“Mga 5-6 years ago yung 3-4 na libo pang 1 linggo na kasama na dun ang gulay, isda at karne. (1,500 na gulay pamalengke, 1,500 na isda at karne) Ngayon pamalengke ng isang linggo 8-10 thousand pesos,” sambit niya.
Hirit pa ng aktor, naaawa siya sa mga ordinaryong mamamayan na limitado ang budget sa pagkain.
“Kumikita ako ng mataas sa karaniwan. Pero nalulula na ako sa gastos, paano pa yung simpleng mamamayan? Kala ko ba titino na tayo? Ano na?” tanong ni John sa mga government officials.