INAMIN ng dating child actor na si Jiro Manio na ipinagbili niya ang kanyang Best Actor trophy mula sa Gawad Urian upang ipangtustos sa araw-araw niyang pamumuhay.
Matatandaan na ibinenta ni Jiro ang trophy, na napanalunan niya noong 2004 para sa pelikulang “Magnifico,” sa blogger na si Boss Toyo kamakailan.
“Nauunawaan din naman ako siguro ng mga tao kung bakit ko ipinatago kay Boss Toyo ‘yung trophy,” ani Jiro sa isang panayam.
“Siguro dala na rin ng hirap ng buhay. So, maiintindihan ako ng mga tao na kailangan ko rin. May pangangailangan din ako,” paliwanag pa niya kung bakit kailangang ibenta ang trophy.
Sa kasalukuyan ay nagbo-volunteer si Jiro sa isang rehabilitation center sa Bataan kung saan ibinabahagi niya ang mga karanasan sa pagiging dating drug user.
“Ano man ang mga pagkakamali ko noon ay pinagsisihan ko na. At higit sa lahat, nakakilala ako sa Diyos,” wika ni Jiro sa mga natutunan niya sa dating buhay.
“Ngayon, busy ako sa family lang and masaya naman ako sa araw-araw at nakakatulong ako sa kanila. Isa pa, iniintindi ko ‘yung self-recovery ko,” sabi naman niya kung bakit hindi na siya napapanood sa TV at pelikula.
Mensahe niya sa publiko: “Maging masaya lang po tayo araw-araw at magbago para sa hinaharap. Maraming salamat po.”