Janice de Belen break na sa Korean ‘boyfriend’

HAGULGOL nang todo ang drama ni Janice de Belen nang makipaghiwalay kamakailan sa “boyfriend” niyang Korean.

Pagsasapubliko ni Janice, hindi ito ang unang beses na pinaiyak siya ng isang Korean.

Ang ugat ng kanilang “hiwalayan”: may ibang babae ang mga ito.

“May asawa na siya, eh! Nalungkot ako! Oo, nalungkot ako,” sabi ng veteran actress.

Dagdag niya, tinanggal na niya sa kanyang buhay ang mga bagay na nagpapaalala sa dalawang recent heartbreaks niya.

“Wala na silang picture sa phone ko. Kasi nag-asawa na sila. Nakakahiya naman na ilagay pa sila sa telepono ko! E may asawa na sila,” ani Janice.

Wala rin sa kanyang plano, wika ni Janice, na matawag na mistress kaya pinutol na niya ang dalawang “relasyon”.

Pero bago pa seryosohin ng publiko ang pasabog ni Janice, klinaro niya na ang mga Korean na tinatawag niyang boyfriend ay ang mga aktor na sina Lee Min-ho at Song Joong-ki.

“Si Song Joong-ki talaga ang last. Pero noong nag-asawa na siya at nagkaanak na, sabi ko, ‘Tama pa ba ito’? Hahaha. Hindi na, ‘di ba? Hindi na tama!” wika ni Janice.

Chika pa niya, pitong taon niyang naging “boyfriend” si Lee Min-ho at walong taon si Song Joong-ki.

“Yes, 8 years talaga! Naiyak talaga ako. Hindi ko maintindihan, pero malungkot ako. Nalungkot ako talaga,” kuwento niya.

“Sabi ni Kaila (Estrada) sa akin, ‘Umiiyak ka ba Ma, dahil kay Song Jong-ki?’ Sabi ko siyempre, hindi, ah! Nainis ako. Pero parang ganoon talaga! Hahaha!” lahad pa niya.