HINDI dumalo sa pagdinig ng Senate committee on public information and mass media ngayong araw ng Martes si Richard “Dode” Cruz, isa sa mga isa sa mga inaakusahan ni Sandro Muhlach na nanghalay umano sa kanya, dahil sa dinadanas na sakit.
Ayon sa kanyang abogado, nananatili si Cruz sa ospital dahil sa gastrointestinal bleeding.
Hindi naman sinabi kung ano ang sanhi ng pagdurugo ng sikmura ni Cruz.
Samantala, pinalawig ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang detensyon ng kapwa-akusado ni Cruz na si Jojo Nones sa pagtanggi nitong sagutin ang mga tanong ukol sa umano’y panghahalay kay Muhlach.
Isa sa mga tanong na hindi sinagot ni Nones ay kung natulog na sila ni Cruz nang lumabas ng hotel room si Muhlach “Ibig sabihin noong umalis si Sandro, ‘di n’yo alam kung gising kayo o tulog kayo, ganoon? That is very ridiculous. Di mo alam na umalis si Sandro,” ani Estrada.
“Your honor, everything we say here may be connected to the facts of the ongoing (case),” sagot ni Nones.
“I reiterate that you still be detained there,” sabi ng senador.
“These are now details of the case, your Honor. I invoke my right to self-incrimination,” giit ni Nones.
“I know your rights! I know your rights! You are always trying to evade the questions that are incriminating to yourself at the very start of this hearing,” sigaw naman ni Estrada.
Kapwa independent contractors ng GMA-7 sina Cruz at Nones.