Ina ni Francine Sa Orange and Lemons: Maging maayus makitungo sa kapwa

TUMALAK nang todo ang ina ng young actress na si Francine Diaz makaraang akusahan na sumingit ang anak sa performance ng bandang Orange and Lemons sa San Jose, Occidental Mindoro nitong Martes, April 30.

Ani Gng. Merdick Saenz Diaz, hindi siya makakapayag na mag-perform si Francine ng madaling araw dahil “April 30 ang event at hindi May 1.”

“Tama po ba yan. Hindi pwede na basta na lang ako manahimik,” giit ni Gng. Diaz.

Dagdag niya na kinausap raw nila ang “babaeng kasama [ng Orange and Lemons] na pula ang buhok [para paunahin si Francine] pero “binastos nya kami.”

Matatandaan na tinawag ng host si Francine habang abala ang Orange and Lemons sa pagse-set up para sa kanilang performance.

Ayon sa host, babati lamang ang dalaga sa mga dumalo sa naturang event.

Habang nagsasalita si Francine ay tila nagkakagulo ang mga members ng Orange ang Lemons sa likuran at tila may tensyon sa pagitan ng banda at ng isa sa mga organizers ng event.

Ang dapat na pagbati lang ng dalaga ay nagtuloy na sa pagkanta. 

At habang kumakanta ang aktres ay tuloy-tuloy naman ang gitarista ng banda sa pagtono ng kanyang instrumento.