Ilang lugar sa Bicol hinambalos ng storm surge; Barbie worried sa mga kababayan

NAKARANAS ng storm surge ang ilang lugar sa Bicol Region bago ang inaasahang pag-landfall ng Super Typhoon Pepito.

“Mayroon na pong mga areas na affected ng storm surge. Yung areas ng Catanduanes, Tiwi, Malinao, Rapu-Rapu, at sa city ng Legazpi. Hindi pa naman siya kalakihan pero umabot na po sa mga kabahayan,” pahayag ni Claudio Yucot, hepe ng Office of Civil Defense (OCD) Region 5.

Umapela naman ang opisyal sa mga residente na nakatira malapit sa baybayin na mag-evacuate.

“At this moment, meron na po 59,560 families, 184,259 individuals. Inaasahang ito ay lalaki pa sa mga susunod na oras, pagdating ng mga reports,” ani Yucot.

Inaasahan din ng OCD na papalo sa 300,000 ang bilang ng mga evacuees dahil sa bagyong Pepito.

“Inaanyayahan po natin sila na lumikas na. May naiwan pang residente sa storm surge areas. Lumikas na po tayo habang di pa palaki ang storm surge,” sambit ni Yucot.

Samantala, nagpahayag ng pag-alala ang aktres na si Barbie Imperial sa sitwasyon sa Catanduanes.

“Mag-ingat po kamo dyan gabos. Praying for everyone’s safety in Catanduanes,” sabi ng aktres na isang Bikolana.

Nakataas na ang Signal No. 4 sa Catanduanes matapos umabot sa super typhoon category ang Bagyong Pepito, ayon sa PAGASA.

Posible namang mag-landfall ang bagyo sa Catanduanes ngayong gabi o bukas ng madaling araw.