I will never be the same again – Sandro Muhlach

NAGLABAS ng hinanakit ang Kapuso actor na si Sandro Muhlach sa dalawang independent contractors ng GMA Network na sina Richard “Dode” Cruz at Jojo Nones na inireklamo niya ng rape sa Department of Justice.

Sa kanyang Instagram account, ipinost ni Muhlach ang mga larawan niya na kuha mula sa CCTV footage bago at matapos ang umano’y pang-aabuso sa kanya nina Cruz at Nones.

“Habang buhay ko dadalhin ito. Dalawa kayo at isa lang ako. I will never be the same again,” aniya sa caption.

“Some people can never comprehend how hard it is to be in this traumatic situation. Luring someone will never be a consent to abuse,” dagdag niya.

Kaugnay nito, idinetalye ni Muhlach sa panayam ng 24 Oras ang isang bahagi ng footage makaraan ang umano’y panghahalay sa kanya na isinapubliko ng National Bureau of Investigation. Makikita sa video ang aktor na nakaupo sa harap ng elevator.

“After po lahat nung nangyari, hindi po ako mapakali, hilong-hilo po ako, sobrang sakit ng katawan ko, kaya napaupo po ako sa floor,” kuwento niya.

“Hindi ko pa po alam kung ano ang dapat kong gawin, kung magsusumbong po ba ako sa pulis or kung lalapit ba ako sa pamilya ko. Naunahan na po kasi ako ng hiya at takot kaya sinumbong ko po muna sa mga kaibigan ko,” wika pa ng anak ng dating child star na si Niño Muhlach.