KUNG si Cristy Fermin ang tatanungin, malakas ang tiyansang manalo ang aktor na si Gerald Anderson kung tatakbo ito sa midterm elections sa susunod na taon.
Sa kanyang radio show na “Cristy Ferminute,” inihayag ni Cristy na marami ang kumukumbinse kay Gerald na lumahok sa congressional elections dahil nakitaan ito ng mga katangian ng isang lider.
“Kasi nga nakitaan siya ng magandang senyales ng isang pagiging mahusay na politiko,” ayon kay Cristy.
Matatandaang hinangaan ng publiko ang aktor nang lumusong ito sa baha para sagipin mga residente na na-stranded sa Brgy. Sto. Domingo sa Quezon City noong kasagsagan ng bagyong Carina at habagat.
Punto ni Cristy, hindi ito ang unang beses na tumulong ang aktor sa rescue operations ng mga binaha.
“Si Gerald naman Ondoy pa lang tumutulong na. Hindi naman ngayon lang,” sey niya.
Samantala, nagpasalamat naman si Gerald sa publiko na nag-aalala sa kanyang kalusugan.
Sa Instagram, ibinahagi ng aktor ang larawan ng pag-inom niya ng gamot ilang araw makaraan ang paglusong niya sa basa.
“Last day of meds from the bottom of my heart, thank you everyone for all the love and concern,” sey niya sa caption.