TAHASANG sinabi ng aktor na si Gerald Anderson na hindi siya papasok sa politika sa kabila ng mga pangungumbinsi ng ilang mga personalidad.
Ayon sa aktor, nagagawa na niyang tumulong sa taumbayan bilang isang celebrity kaya hindi na niya kailangan pa ng ibang motibasyon.
“Nakakatulong naman tayo and I’m so blessed. I’m so blessed na nandito kayo. 19 years na rin ako sa industriya grabe ang tulong ng media sa akin, for my shows, for my projects. Okay na ako sa ganito because I still have the opportunity para makatulong sa iba,” aniya.
“Also, isa sa mga motivation ko is to work harder to maintain or to keep my celebrity status kasi ang laking tulong niya talaga and as much as possible ginagamit ko nang tama,” dagdag ng Kapamilya actor.
Hirit pa ni Anderson: “Kung gusto mo talaga tumulong, nandoon ‘yung power, nandoon ‘yung opportunities. Ang suwerte ko lang dahil sa pagiging celebrity ko ay nandoon din ‘yung power, nandoon ‘yung influence at ginagamit ko lang sa tama.”
Inulan ng papuri ang aktor makaraan itong lumusong sa baha para sagipin ang mga pamilyang na-stranded sa Quezon City noong isang buwan. Bunsod nito ay ginawaran ng pagkilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kabayanihan ni Anderson, isang Army reservist na may ranggong Auxiliary Commander ng PCG.