ISANG karangalan ang hatid sa bansa ng direktor na si Brillante Ma. Mendoza matapos manalo ang kanyang pelikulang GenSan Punch sa 26th Busan International Film Festival sa Korea.
Tinanggap ng pelikula ang prestihiyosong Kim Jiseok Award ng festival matapos talunin nito ang anim pang pelikula mula sa Azerbaijan, Bangladesh, China, India, Japan at Singapore.
Kwento ng isang Hapones na may prosthetic leg ang GenSan Punch. Nagtungo siya sa Pilipinas para mag-training at tuparin ang kanyang pangarap na maging isang propesyunal na boksingero.
Base ang kwento sa buhay ng Japanese welterweight champion na si Naozumi Tsuchiyama.
Ipalalabas ang GenSan Punch sa HBO sa Disyembre. Kasali rin ito sa nalalapit na 34th Tokyo International Film Festival.