MAKARAANG makapagtala ng kasaysayan ang kanilang pelikula na “Hello, Love, Again” bilang unang Pinoy movie na kumita ng P1.4 billion sa box office, nagpaalam na sa kani-kanilang mga karakter na sina Joy at Ethan sina Kathryn Bernardo at Alden Richards.
Sa isang interview, sinabi ni Kathryn na bagaman natapos na ang sequel sa kanilang 2019 movie na “Hello, Love, Goodbye,” hindi naman nagtatapos ang pagkakaibigan ng cast at crew.
“We will be there for one another,” sey ng aktres na sinang-ayunan naman ni Alden.
“This has been Ethan del Rosario. This has been Joy Marie Fabregas officially signing off,” sambit ng dalawa.
Kaugnay nito, kinilig sina Kathryn at Alden nang makasama si First Lady Liza Marcos sa VIP screening ng nasabing pelikula nitong Biyernes.
‘We’re grateful to her for making time for this. Ito ang cherry on top of all our executions for the film promos so we’re very grateful for getting the support from the First Lady,” sey ni Alden matapos ang screening.
“Her reaction after the movie was priceless. Grabe! Ang saya! Sabi niya it was a good cry naman. She enjoyed and she mentioned napanood niya rin ang first part,” wika naman ni Kathryn.
Ibinahagi ni ABS-CBN reporter MJ Felipe ang mga larawan ng KathDen kasama si FL Liza, mga senador at ilang executives ng Kapamilya network na dumalo sa VIP screening.