PINAIIMBESTIGAHAN ng abogadong si Ferdinand Topacio sa pamunuan ng Metro Manila Film Festival ang entry ni Vice Ganda na “And the Breadwinner Is…” na aniya ay kopya ang kuwento sa pelikulang “Higit sa Lahat” nina Rogelio Dela Rosa at Emma Alegre na ipinalabas noong 1955.
Sa question and answer session sa launch ng MMFF noong July 26, inihayag ni Topacio, ang producer ng Borracho Film Production, na “exact duplicate” ang plot ng “And The Breadwinner Is…” at “Higit sa Lahat.”
“Based on the synopses that I’ve heard, ‘yung pelikula ni Vice Ganda, the plot appears to be the exact duplicate of the 1955 film ‘Higit sa Lahat’ starring Rogelio Dela Rosa and Emma Alegre,” ani Topacio.
“Could you please look into that and if there are possible consequences as to copyright, etc…Pakitingin lang po if this is a case of plagiarism,” dagdag ng abogado.
Bilang sagot, sinabi nina Boots Anson-Rodrigo ng Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund) at Don Artes ng Metro Manila Development Authority na pag-aaralan ng komite ang reklamo ni Topacio.
Dinedma naman ni Percy Intalan, producer ng “And The Breadwinner Is..” ang petisyon ni Topacio at sinabing orihinal ang screenplay nito na isinulat ng kanilang mga writers at direktor ng pelikula na si Jun Lana.
“Sa panahon ngayon, may makakapareho at makakapareho ka talaga. Like lahat naman ng story ngayon ay ‘Romeo & Juliet’, ‘di ba?” ani Percy.