Ex-beauty queen todo-tanggol kay Xian

ISA ang aktres at dating beauty titlist na si Cindy Miranda sa mga nagtanggol sa actor-director na si Xian Lim na binabagyo ngayon ng hate sa social media.

Ayon kay Cindy, hindi niya nakitaan ng attitude si Xian, ang direktor niya sa horror film na “Kuman Thong.”

“Very cool si Xian. Marami po tayong naririnig kay Xian kasi never ko pa pong nakatrabaho si Xian. Pero you know, ako, nakakabasa po ako ng alam mo, ‘yung mga write-ups po kay Xian,” ani Cindy.

Ang tangi niyang masasabi kay Xian ay “cool at very hands on” sa pagdidirek.

“Ang napansin ko sa kanya, very passionate po siya sa pagiging direktor niya. Sabi niya nga, 15 years na po siyang naga-act, so naiintindihan niya kami as an actor,” sey ni Cindy.

“Sabi niya, ‘wag daw kaming mag-alala kasi naiintindihan niya lahat ‘yung proseso namin,” dagdag niya.

Kinunan nila ang pelikula sa Thailand at sa anim na araw nila roon ay hindi niya nakitang nagalit si Xian.

“Pagdating po do’n sa Thailand, hindi po siya nagalit. Never ko po siyang nakitang nagalit. As in never uminit ang ulo niya kahit sobrang init. Kasi nakakainit po talaga ng ulo ang init sa Thailand,” paliwanag ni Cindy, ang Binibining Pilipinas Tourism 2013.