Erik Santos naiyak sa pagbisita sa workplace ng yumaong ama sa Saudi Arabia

NAGING emosyonal ang Kapamilya singer na si  si Erik Santos nang bumisita kamakailan sa dating opisina ng tatay niya sa Jeddah, Saudi Arabia.

Sumakabilang-buhay ang ama ni Erik na si Renato Santos noong Agosto 11, 2023.

Sa Instagram post, ikinuwento ni Erik na gusto lang niyang makapagpakuha ng larawan sa harap ng Juffali Automotive Company kung saan 25 taon nagtrabaho ang kanyang Daddy Natz, isang engineer.

Pinayagan naman si Erik na makapasok sa gusali kung saan nakausap niya ang dating katrabaho ng ama.

Ayon sa kaopisina, proud na proud si Daddy Natz nang manalo si Erik sa Star In A Million noong 2003. 

“Yung Tatay mo, sobrang simple lang niya, tahimik, kalmado at mabait sa mga kasamahan lalo na sa staff niya. Sobrang proud siya sa family n’yo lalo na sa iyo nung nanalo ka sa TV noon. Wala siyang bukambibig kundi ikaw. At sikat din siya dito noon dahil sa iyo. Proud na proud sa iyo ang Tatay mo,” ayon sa katrabaho ni Daddy Natz.

Sambit ni Erik, ang pagbisita niya sa Juffali “has given me a sense of peace in my heart knowing that my father truly a good man.” “Jeddah will always have a speial place in my heart…it’s the place that has given my whole family HOPE and a better life growing up,” dagdag niya.