Enrique Gil, Liza Soberano hindi pa kasal

NILINAW ni Ogie Diaz na hindi pa kasal ang aktres na si Liza Soberano sa kanyang on and off screen boyfriend na si Enrique Gil.

Ito ay matapos ang mga espekulasyon sa social media na nagpakasal na umano ang dalawa dahil sa ring na suot ng couple sa bagong vlog ng aktres.

Sinabi ni Ogie na ang singsing na suot ni Liza ay isang accessory lang na ipinasuot ng stylist nito habang ang suot naman ni Enrique ay ang sarili nitong singsing.

“Yung singsing na ‘yan ay hindi totoo. Parang ano ‘yan photo shoot or nagba-vlog sila, nandoon si Perry. Ipinasuot ni Perry kay Liza ‘yung singsing na props,” chika ng manager ni Liza.

“Naloka ako. Daming nag-tag. Parang ako, ha totoo ba ito? Bakit walang sinasabi sa akin si Liza? Ako ang manager, wala akong alam. Kaya siyempre dali-dali ako ay nag-text kay Liza para linawin lahat,” dagdag pa niya.

Nauna namang sinabi ng couple na pinaguusapan na rin nila ang kasal pero marami pa silang priorities.