PINASUSURENDER ng veteran showbiz columnist na si Cristy Fermin ang Kapamilya actor na si Enchong Dee na hindi umano nakita ng mga pulis nang puntahan sa bahay nito sa Cubao, Quezon City.
Ayon sa ulat, pinuntahan ng mga pulis ang bahay ni Enchong para isilbi ang warrant of arrest kaugnay sa kasong cyber libel pero hindi umano ito mahagilap.
Sinabi ng mga kapibahay na matagal nang hindi nagpupunta roon ang aktor.
Napag-alaman na ang address na pinuntahan ng mga pulis ay paupahan ni Enchong.
Bunsod nito, pinayuhan ni Cristy si Enchong na sumuko na lang at bayaran ang piyansa.
“Nag-prosper po ‘yung kaso sa piskalya at ngayon po ay mayroon na itong titulong People of the Philippines vs Ernest Lorenzo Velasquez Dee aka Enchong Dee.
“Ang kasong criminal na cyber libel ay nasa RTC (Regional Trial Court) ng Davao Occidental at siyang naglabas ng warrant of arrest nu’ng January 25, 2022.
“Ang pinakamagandang magagawa rito ni Enchong Dee ay ang voluntary surrender.
“Hindi po pupuwedeng pagtaguan ito dahil lahat po ng sangay ng kapulisan ay pinadadalhan.
“Huwag mong paliitin ang mundo mo, mag-voluntary surrender ka at kung magkano ang piyasan, kailangan mo talagang ibigay sa korte,” paliwanag ni Cristy.
Matatandaang sinampahan ng P1 billion cyber libel case si Enchong ni Dumper Partylist Rep. Claudine Diana Bautista-Lim dahil umano sa malisyoso at mapanirang mga komento ng aktor sa Twitter account ukol sa kasal ng mambabatas sa negosyanteng si Jose Lim sa Balesin noong nakaraang taon.