NAANTIG ang damdamin ng publiko sa kuwento ng dating aktor at ngayon ay Vice Governor ng Oriental Mindoro na si Ejay Falcon ukol sa matandang tindera na binibilihan niya ng bananacue noong kabataan niya.
Sa Facebook, isinalaysay ni Ejay ang muling pagkikita nila ni Nanay Nene.
“Sa pagdalo ko sa isang birthday na imbitasyon, may isang lola na naghintay sa akin at hindi umuwi para daw hintayin ako,” simula ni Ejay.
“Pagdating ko bigla nya sinabi, ‘Totoy, tanda mo pa ba ako?’ Tinitigan ko sya mabuti, at sya na ang nagsabi na, ‘Ako ang binibilihan mo ng sinulbot o bananacue sa Wawa Pinamalayan habang nagkakargador ka,” dagdag niya.
Nang makilala ang matanda ay niyapos ito ni Ejay.
“Bigla ko sya niyakap at sinabi ko, ‘Ay kayo po Nanay Nene.’ Tuwang tuwa po kami pareho. Nasubaybayan nya ang pagiging istibador/kargador ko noong mga panahon na yun,” sambit ng bise gobernador.
“Maraming salamat po Nanay Nene sa iyong mga bananacue na alam ko yun ang isa sa nagpalakas ng aking katawan habang buhat ang copra at mga uling,” ayon pa sa dating Pinoy Big Brother winner na sinabi na, “Ako po si Ejay L. Falcon- Proud Kargador.”