IBINASURA ng Makati Regional Trial Court ang kasong paglabag sa Section 5 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2020 o pagtutulak ng iligal na droga laban sa rap artist na si Loonie at sa kanyang kapatid dahil sa kawalan ng ebidensya.
Ngayong umaga ay ipinost sa social media ni Loonie, Marlon Peroramas sa totoong buhay, ang desisyon ni Judge Gina M. Bibat-Palamos ng Makati RTC Branch 64.
Ayon kay Palamos, hindi nagkakatugma ang mga naging pahayag ng saksi ng prosekusyon.
“Inconsistencies in the testimony of the poseur-buyer and that the details of his testimony are contrary to human experience,” sabi ng judge.
“[It] demonstrates the witness’s lack of respect to the court and the witness’s testimony under oath,” dagdag niya.
Wala namang plano na magsampa ng kaso si Loonie at ang kapatid na si Idyll Peroramas laban sa mga umano ay nag-set up sa kanilang grupo.
Matatandaang inaresto si Loonie at ilang kasama sa buy-bust operation sa Poblacion, Makati noong Setyembre 2020.
Nakuhanan umano ang grupo ng high-grade marijuana na nagkakahalaga ng P100,000. –A. Mae Rodriguez