Diwata sinupalpal si Mystica: Laos ka na!

HINDI pinalampas ng viral pares vendor na si Diwata ang mga panlalait sa kanya ng dating singer na si Mystica.

Sa isang vlog, inismiran rin ni Diwata ang mga pahayag ni Mystica na lumaki na ang ulo niya makaraang sumikat.

Ani Diwata, hindi importante sa buhay niya si Mystica kaya hindi na raw dapat niya itong pansinin pa.

Dagdag niya, nakikisakay lang sa popularidad niya si Mystica dahil matagal na itong laos.

“Ang importante sa akin, business ko,” aniya.

Matatandaan na tinawag na dugyot ni Mystica, ang tinaguriang “Split Queen” noong 1990s, ang mukha at paresan ni Diwata.

“Yung itsura ni Diwata ngayon nandidiri na sa mga taong gustong magpa-picture sa kanya, kitang-kita na ‘yan sa videos online. Iba ang trato niya sa mga bumibili ng pares niya na talagang sumusuporta sa kanya pero pag siya ang bibigyan ng blessing todo asikaso siya buong araw,” simulang ratsada ni Mystica.

“Alam ko, napansin n’yo rin na balewala na ‘yung mga taong pumila at kumakain sa paresan niya, ang bilis niyang nagbago, papaano pa hahanga ang tao sa kanya kung ganoon siya? Akala mo kung sino na siya na hindi na maabot!” dagdag niya.

Inutusan din niya si Diwata na magpokus sa “dugyot” niyang tindahan.

“Unahin mo ang sanitation at kalinisan ng mga kumakain sa iyo, ‘yun ang dapat inaasikaso mo, hindi ang mangbara ng mga taong ikaw naman talaga ang pinunta, hindi ang pares mo,” wika ni Mystica.

“Hindi niya alam na ito ang magpapabagsak sa kanyang nilalangaw at dugyot na ugali, dugyot na katawan at pagmumukha at dugyot na paresan!” sambit pa ni Mystica.